top of page

Ako ang Daan, Buhay, at Katotohanan

“Sinabi ni Jesus sa kanya, ‘Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay; walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko.’”. - Juan 14:6

Juan 14:6 “Sinabi ni Jesus sa kanya, ‘Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay; walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko.’”

Ipinahayag ni Jesu-Cristo ang tatlong katotohanan tungkol sa Kanyang sarili sa talatang ito. Sinabi Niya na Siya ang daan, katotohanan, at buhay. Mapapansin natin na bago ang bawat salita ay may pantukoy na “ang”, at kapag sinabi nating may pantukoy, ito ay tumutukoy sa pagiging tiyak ng paksa. Dito, malinaw na inangkin ni Jesus na Siya lamang ang tanging daan, tanging katotohanan, at tanging buhay.

Ngayon, ano ang ibig sabihin kapag sinabi Niyang Siya ang daan, ang katotohanan, at ang buhay? Tatalakayin natin nang maikli ang tatlong katotohanang ito tungkol kay Jesus.

I. Ang Daan

Ang salitang Griyego na ginamit dito ay ὁδός (hodos), na nangangahulugang daan o landas. Kapag tayo ay naglalakbay patungo sa ating destinasyon, mahalagang malaman natin kung anong daan ang ating tatahakin. Kung minsan, kapag hindi natin kabisado ang ruta, gumagamit tayo ng mga kasangkapan gaya ng mapa o Waze.

Sa konteksto ng Juan 14, malinaw na tumutukoy ito sa daan patungo sa lugar kung saan naroon ang Diyos—isang lugar na tinatawag na langit, lugar ng walang hanggang buhay at kapahingahan. Tinanong ni Tomas kung paano sila makararating doon, at malinaw na sinabi ni Jesus na upang makarating sa lugar na iyon, dapat mong makilala ang daan. At inangkin Niya mismo na Siya ang daang iyon.

Sinabi pa Niya na walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan lamang Niya. Maaari tayong magtanong: Bakit hindi direkta sa Ama? Bakit kay Jesus? Pakinggan natin ang sabi ni Matthew Henry:

“Sa pamamagitan ng Kanyang aral at halimbawa, itinuturo Niya sa atin ang ating tungkulin; sa pamamagitan ng Kanyang sakripisyo at pamamagitan, nakamit Niya ang ating kaligayahan—kaya’t Siya ang daan. Sa Kanya nagtagpo ang Diyos at ang tao. Hindi natin mararating ang puno ng buhay sa daan ng kawalang-kasalanan, ngunit si Cristo ang ibang daan patungo roon. Sa pamamagitan Niya, nagkaroon ng ugnayan sa pagitan ng langit at lupa; ang mga anghel ng Diyos ay umaakyat at bumababa; ang ating mga panalangin ay pumapaitaas sa Diyos at ang Kanyang mga pagpapala ay bumababa sa atin sa pamamagitan Niya. Ito ang daan patungo sa kapahingahan—ang mabuting daan ng katandaan.”¹

Si Jesu-Cristo ang nagdugtong ng puwang sa pagitan ng Diyos at ng tao dahil sa kasalanan. Walang sinumang makakalapit sa Diyos sa kanyang sariling kakayahan sapagkat ang sangkatauhan ay makasalanan (Roma 3:10, 3:23). Yaong may pananampalataya kay Cristo lamang ang maaaring lumapit sa Diyos, sapagkat Siya ay naging laman, nagkatawang tao.(Juan 1:14), at Siya rin ay Diyos—ang tanging may kakayahang maabot ang kaluwalhatian at kabanalan ng Diyos, sapagkat Siya mismo ay banal.

Si Jesu-Cristo lamang ang tanging daan patungo sa Diyos—hindi ang iyong sarili, hindi ang pari, hindi ang iyong mga magulang, ni ang mga pastor. Ang mga ibang daan gaya ng mabubuting gawa, relihiyon, o pagtulong sa mahihirap ay hindi makapagliligtas. Muli kong sinasabi: Si Jesu-Cristo lamang ang daan patungo sa langit.

 

II. Ang Katotohanan

Sa panahon ngayon, maraming naniniwala sa tinatawag na subjective truth—na ang bawat tao ay may kanya-kanyang depinisyon ng katotohanan depende sa kanilang pananaw. Ngunit may malaking pagkakaiba ang objective truth at subjective truth:

  • Ang objective truth ay nakabatay sa mismong katangian ng bagay at hindi nakadepende sa opinyon ng tao.

  • Ang subjective truth naman ay nakabatay sa sariling paniniwala o damdamin ng tao.

Kaya maaari nating itanong: Pagdating sa Diyos at kaligtasan, ano ang tunay na katotohanan? Lahat ba ng relihiyon ay totoo? Kung gayon, magkakaroon ito ng lohikal na kamalian sapagkat nagkakasalungat ang kanilang mga turo. Kaya’t malinaw: pagdating sa katotohanan, hindi puwedeng maging subjective—ito ay dapat nakabatay sa tunay na kalikasan ng Diyos.

Sa lahat ng pinunong panrelihiyon, si Jesu-Cristo lamang ang katotohanan. Siya ang nagsasalita ng katotohanan. Ang Kanyang pag-iral ay hindi kathang-isip kundi nakaugat sa kasaysayan. Higit sa lahat, ang Ebanghelyo mismo ang patunay ng katotohanan ng pananampalatayang Kristiyano.

Walang ibang pinunong panrelihiyon ang nabuhay ng ganap na walang kasalanan kundi si Cristo lamang (1 Juan 3:5). Wala ring ibang pinuno ang nagbuhos ng dugo at namatay alang-alang sa sangkatauhan kundi si Jesus. At wala ring ibang pinuno ang muling nabuhay sa sariling kapangyarihan kundi si Jesu-Cristo lamang.

Ayon kay Albert Barnes:

“Siya ang pinagmulan ng katotohanan, ang nagbubunyag ng katotohanan para sa kaligtasan ng tao. Ang katotohanan ay paglalarawan ng mga bagay ayon sa tunay na kalagayan nito. Ang buhay, kadalisayan, at mga turo ni Jesu-Cristo ay ang pinakapuso at ganap na pagpapahayag ng mga bagay ukol sa walang hanggang kaharian.”³

Ipinapakita nito na kung wala si Jesu-Cristo—ang kapahayagan ng Diyos at larawan ng Kanyang pagka-Diyos—hindi natin kailanman makikilala kung sino ang tunay na Diyos o ang daan patungo sa Kanya. Tulad ng sabi ni David Guzik, “Kung walang katotohanan, walang kaalaman.”⁴

III. Ang Buhay

Maraming pilosopo at palaisip ang nagtangkang bigyang-kahulugan ang buhay:

  • Ayon kay Friedrich Nietzsche, ang buhay ay “will to power”—isang malikhaing puwersa ng pagiging.⁵

  • Ayon kina Francisco Varela at Humberto Maturana, ang buhay ay “autopoietic, self-producing, self-maintaining system”—isang sistemang nabubuhay sa sarili.⁶

  • Ngunit ayon kay Thomas Aquinas, “Ang Diyos mismo ang buhay (ipsum esse vivens); ang lahat ng nilalang ay nabubuhay dahil nakikibahagi sa buhay ng Diyos.”⁷

Ngunit buong tapang na ipinahayag ni Jesu-Cristo na Siya ang buhay—ginamitan ng pantukoy na ang, upang ipakita na Siya lamang ang tanging pinagmumulan ng buhay.

Ayon kay John Gill:

“Si Cristo ang may-akda at tagapagbigay ng buhay—likas, espirituwal, at walang hanggan; o Siya ang daan ng buhay, ang buhay na daan.”⁸

At ayon kay David Guzik:

“Dahil handa Siyang mamatay, Siya ang naging daluyan ng muling pagkabuhay—ang buhay—para sa atin.”⁹

Sa kabuuan, ang pahayag ni Jesus na Siya ang buhay ay nangangahulugang Siya ang pinagmulan at may-akda ng buhay—pisikal, espirituwal, at walang hanggan (Juan 1:4; Gawa 3:15).

Walang buhay na umiiral nang walang pinagmumulan, gaya ng bombilya na hindi sisindi kung walang kuryente. Ang buhay ay hindi basta bunga ng “will power,” sapagkat madalas kahit anong pagsisikap natin ay hindi pa rin nagaganap ang ating nais. Ang buhay ay nakadepende sa isang Persona—at iyon ay sa Diyos.

Tayo ay may buhay dahil hiningahan tayo ng Diyos (Genesis 2:7). Subalit namatay tayo sa espiritu dahil sa ating pagsuway at kasalanan (Efeso 2:1). Kailangan natin ng isang magbabalik ng buhay—isang handang magbayad ng kabayaran, at may kapangyarihang bumuhay mula sa kamatayan. Walang sinuman sa mundo ang makagagawa nito maliban kay Jesu-Cristo.

Tinalo Niya ang kamatayan upang tayo ay mabuhay (1 Corinto 15:55–56). Namatay Siya upang tubusin tayo mula sa sumpa ng kamatayan (Galacia 3:13). At muling nabuhay Siya upang ang mga sumasampalataya sa Kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan (Juan 11:25).

Konklusyon

Walang duda, kailangan natin si Cristo.
Siya ang daan patungo sa Diyos,
ang katotohanang nagpapakilala kung sino ang tunay na Diyos na nagliligtas,
at ang buhay—ang may-akda at pinagmumulan ng ating kaligtasan.

Magsisi sa iyong mga kasalanan at ilagak ang iyong pananampalataya sa Kanya lamang.

Soli Deo Gloria.

Mga Sanggunian:

  1. Matthew Henry Commentary (BLB App)

  2. J. Warner Wallace, coldcasechristianity.com

  3. Albert Barnes Commentary (BibleHub.com)

  4. David Guzik Commentary (BLB App)

  5. Friedrich Nietzsche, Thus Spoke Zarathustra (1883–85)

  6. Francisco Varela & Humberto Maturana, Autopoiesis and Cognition: The Realization of the Living (1980)

  7. Summa Theologica, Part 1, Question 18 (“The Life of God”)

  8. John Gill Commentary (MyBible App)

  9. David Guzik Commentary (BLB App)

Authored by: Chris John Apinan

bottom of page