Ako ang Tunay na Puno
Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag–alaga. - Juan 15:1

Ang puno ng ubas ay isa mga puno na nababanggit sa banal na aklat. Ang bunga nito ay ginagamit sa paggawa ng alak. Ayon kay Robert J. Weaver, ang baging ng ubas ay may maraming mahahalagang bahagi, mula sa mga ugat hanggang sa mga galamay. Ang baging o ang puno ng ubas ay napakahalaga at mahalaga sa pagbuo ng mga ubas, sapagkat ito ang nagbibigay ng estruktural na suporta at gumaganap ng mga mahahalagang pisyolohikal na tungkulin (gaya ng potosintesis upang makagawa ng enerhiya).¹ Ibig sabihin nito, ang baging o ang punom ay ang pundasyon sa paglikha ng masustansya at malulusog na bunga ng ubas.
Ang pangunahing teksto natin ay nagbibigay ng mahalagang aral para sa atin bilang mga Kristiyano. Sinabi ni Jesucristo sa Kanyang Salita na Siya ang puno, at tayo ang mga sanga. Gumagamit Siya ng isang alegorya — isang metaporikal na pagtuturo — upang ipaliwanag ang relasyon sa pagitan Niya, ng Kanyang mga alagad, at ng Ama. Tatalakayin natin nang maikli ang tatlong bagay kaugnay sa alegoryang ito.
I. Ang Ama bilang Magsasaka ng Baging
A. Ang Amang Gumagawa sa Ating Buhay
Sa Isaias 5:1–7, may isang awit na naglalarawan kung paano gumaganap ang Diyos bilang nagtatanim, nag-aalaga, at humahatol. Pansinin ang mga talata 5–6:
“Ngayon ay ipaaalam ko sa inyo ang gagawin ko sa aking ubasan:
Aalisin ko ang bakod nito, at ito’y lalamunin;
gigibain ko ang pader nito, at ito’y yurakan.
Gagawin ko itong wasak; hindi na ito puputulin o bubungkalin,
at tutubuan ito ng mga tinik at dawag;
at uutusan ko rin ang mga ulap na huwag magpaulan dito.”
Ano ang punto rito? Kung iyong pagmamasdan, ang Ama ang siyang gumagawa upang ingatan at alagaan ang puno. Siya ang nagpuputol ng mga sanga, nagdidilig, at nagpoprotekta dito. Ito’y malaking kaaliwan para sa atin: ang nagtataguyod ng ating buhay at paglago ay ang Ama mismo. Ibig sabihin nito, mayroon tayong dakilang Diyos na kumikilos sa atin upang tayo’y magbunga nang mabuti.
Pinapatunayan nito na ang pagbubunga ay hindi resulta ng sarili nating kakayahan o kapangyarihan, kundi ng paggawa ng Diyos sa atin. Gaya ng isinulat ni Pablo:
Filipos 2:12–13: “Kaya nga, mga minamahal, kung paanong lagi kayong sumusunod, hindi lamang sa aking presensya kundi lalo na ngayong wala ako, ay gawin ninyo ang inyong sariling kaligtasan na may takot at panginginig; sapagkat ang Diyos ang gumagawa sa inyo, maging sa pagnanais at sa paggawa, ayon sa Kanyang mabuting kalooban.”
B. Ang Amang Nag-iingat sa Atin
Bilang mga Kristiyano, maaari nating ipahayag nang may katiyakan na ang ating buhay bilang mga sanga ay iniingatan magpakailanman, sapagkat ang Diyos Ama mismo ay walang hanggan. Walang ibang puwersa ang makapaghihiwalay sa atin mula sa baging; walang sinuman ang makakabali ng sanga mula sa baging magpakailanman (Juan 10:28–29). Ang Amang nag-aalaga sa atin ay tapat at walang hanggan (2 Tesalonica 3:3).
II. Si Jesucristo, ang Tunay na Puno
A. Kung Wala si Cristo, Tayo ay Patay
Maliwanag mula sa alegorya na si Jesucristo ang ating mismong buhay — ang pinagmumulan ng lahat ng espirituwal na kasiglahan. Pinatutunayan din ito ng Kasulatan: “Sa kanya naroon ang buhay, at ang buhay ay siyang ilaw ng mga tao” (Juan 1:4).
Ipinaliwanag ni John MacArthur:
*“Hindi lamang Siya umaangkin ng metaporikal na tungkulin, kundi ng isang mahalaga, organiko, at nagbibigay-buhay na ugnayan. Ang mga sanga (mga mananampalataya) ay kumukuha ng lahat ng espirituwal na buhay, lakas, suporta, at pagbubunga mula sa Kanya. Kung hiwalay kay Cristo, walang magagawa ang tao na may kahalagahang walang hanggan.”*²
Tama si MacArthur: hindi lamang ito alegorya, kundi isang katotohanan — si Cristo ang nagbibigay-buhay na ugnayan. Sa kalikasan, tayo ay patay sa espiritu (Efeso 2:1–4), at dahil dito, dapat tayong ipanganak na muli (Juan 3:3). Kailangan natin ng isang magbibigay-buhay, at ang buhay na iyon ay matatagpuan lamang kay Cristo. Pansinin ang alegorya: ang sanga ay hindi lalago nang mag-isa; kailangan nito ang puno. Ganoon din tayo — kailangan natin si Cristo, ang pinagmumulan ng lahat, ang pinagmumulan ng buhay.
B. Sa Pamamagitan ng Puno, Tayo’y Tumanggap ng Buhay
Dahil tayo’y patay sa kasalanan, kailangan nating bigyan ng buhay — buhay na walang hanggan. Ang buhay na ito ay matatagpuan lamang kay Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya (Juan 3:16; Juan 1:14). Ang biyaya ng Diyos ang nagdadala ng kaligtasan, at ang Kanyang awa at biyaya ay ganap na ipinakita kay Cristo. Sa Kanya, tayo’y ginawang buhay:
Efeso 2:5–6: “Kahit noong tayo’y patay dahil sa ating mga pagsuway, [ang Diyos] ay binuhay tayong magkakasama kay Cristo (sa biyaya kayo’y naligtas), at tayo’y muling binuhay na kasama Niya, at pinaupo sa mga makalangit na dako kay Cristo Jesus.”
Ito ang mabuting balita! Dahil sa awa at biyaya ng Diyos, ipinakita Niya ang Kaganapan ng Kanyang pag-ibig kay Jesucristo. Ang sinumang nananatili sa Kanya sa pamamagitan ng pananampalataya ay magkakaroon ng buhay na puspos ng pag-asa at kagalakan magpakailanman kasama ang Diyos.
III. Mga Alagad na Namumunga
A. Si Cristo na Nanatili sa mga Sanga
“Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, siya ang namumunga nang sagana; sapagkat kung wala ako, wala kayong magagawa.” (Juan 15:5)
Ang salitang Griyego para sa “manatili” (μένω, meno) ay literal na nangangahulugang “manatili” o “magpatuloy.” Ipinapahiwatig nito na ang tunay na mga alagad ni Cristo ay nananatili sa Kanya — at bilang resulta, sila’y namumunga, partikular ang bunga ng Espiritu.
Subalit may mga tila sanga ngunit kalaunan ay nahuhulog. Sa Juan 15:6, binalaan ni Jesus:
“Kung ang sinuman ay hindi nananatili sa akin, siya’y itinatapon na gaya ng sanga at natutuyo; at ang mga sanga’y tinitipon, itinatapon sa apoy, at sinusunog.”
B. Mga Huwad na Sanga
Ipinapakita nito na may mga sanga na sa panlabas ay mukhang nakakabit, ngunit sa katotohanan ay hindi nananatili. Sila’y huwad na mga alagad na hindi namumunga sapagkat wala sa kanila si Cristo. Gaya ng sinabi ni MacArthur:
*“Maaaring makagawa ang tao ng mga bagay na kahanga-hanga sa panlabas, ngunit kung hiwalay kay Cristo, ang mga ito ay walang halagang walang hanggan sa paningin ng Diyos.”*³
C. Tunay na Mga Sanga
Ngunit malinaw sa talatang 5: “Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya” — ito ang mga sanga na tunay na nakakabit kay Cristo, ang mga hawak mismo ni Cristo. Sila ang tunay na mga alagad, at ang kanilang bunga ang nagpapatunay na sila’y konektado sa puno.
Konklusyon
Ito ang mabuting balita: yaong mga kumakapit sa katotohanang ito — na si Cristo ay nananatili sa atin at tayo sa Kanya — ay mabubuhay sa isang bagong buhay at mamumunga nang sagana. Kapag tumingin tayo sa krus — sa buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Jesus — makikita natin kung gaano Siya katapat, at kung gaano katapat ang ating Diyos na may Tatlong Persona. Sa Kanya ang lahat ng kaluwalhatian.
Mga Sanggunian:
¹Weaver, R.J. (1976). Part 1.2 Vine Structure. Sa Grape Growing (pp. 10–23). John Wiley & Sons, Inc.
²John MacArthur, Commentary on John 15.
³John MacArthur, Commentary on John 15.



