top of page

Papuri sa kabanalan ng Diyos: Panalangin ni Hannah

1 Samuel 2:2 “Walang sinumang banal na gaya ng Panginoon; wala nang iba bukod sa Iyo; wala ring bato na gaya ng ating Diyos.”

            Bilang maikling kasaysayan ng ating debosyon: Si Ana, ang ina ni Samuel, ay isang babaeng maka-Diyos na inialay ang kanyang buhay sa Kanya. Siya ay baog noon at pinagtatawanan ng isa sa mga asawa ng kanyang asawa, si Penina. Sa kanyang matinding dalamhati, nangako si Hannah sa Diyos na kung bibigyan siya ng anak, kanyang ilalaan ito pabalik sa Panginoon. At dahil tunay na tapat ang Diyos sa Kanyang mga pangako—binuksan Niya ang sinapupunan ni Hannah at siya’y nagsilang ng anak, si Samuel.

Sa ating pangunahing talata ngayon, pag-aaralan natin ang panalangin ni Hannah—isang panalangin ng papuri na naglalarawan sa isa sa pinakamahalagang katangian ng Diyos: ang Kanyang kabanalan. Inilarawan ni Hannah ang kabanalan bilang ganap na pagka-iba. Gaya ng sinasabi sa Isaias 40:25:

Isaias 40:25 “Kanino nga ninyo ako itutulad, upang ako’y maging gaya niya? sabi ng Banal.”

           Ipinapakita ni Hannah na ang Diyos ay ganap na naiiba sa Kanyang nilikha. Ang Kanyang mga kaisipan, plano, at mga daan ay higit na mataas kaysa sa atin. Naranasan mismo ni Hannah ang katotohanang ito. Sinagot ng Diyos ang kanyang panalangin sa pinaka-hindi inaasahang panahon—nang ang kanyang asawa ay mayroon nang isa pang asawa, at higit pa roon, nang si Penina ay mayroon nang maraming anak.

Maaring itanong natin: Bakit hindi agad binigyan ng Diyos ng anak si Hannah, bago pa nagkaanak si Penina? Bakit pa Siya nagbigay ng anak sa gitna ng pag-uusig at pagdurusa? Ang malinaw na sagot: para sa Kanyang kaluwalhatian at upang patatagin ang pananampalataya ni Hannah. Ginamit ng Diyos ang pagsubok na ito upang si Ana ay kumapit lamang sa Kanya na parang Siya lamang ang kanyang buhay at pagasa. Ipinakita rin Niya sa mga kaaway ng Kanyang bayan na kayang gawin ng Diyos kahit ang mga bagay na tila imposible. Ang katotohanang ito ay inulit mismo ni Jesus:

 

Mat 19:26: "Ngunit tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila, "Sa mga tao, ito ay hindi maaaring mangyari, ngunit sa Diyos, ang lahat ng mga bagay ay maaaring mangyari.""

 

          Kayang iligtas ng Diyos ang sinumang Kanyang nais—kahit ang baog o ang mahina. Maaaring naisip ni Penina, “Akala ko ba baog si Ana, bakit siya buntis ngayon?” Ang sagot: dahil ang mga daan ng Diyos ay hindi gaya ng ating mga daan. Ang Kanyang mga kaisipan at plano ay ganap na naiiba sa atin. May paalala si Jerry Bridges para sa mga Kristiyanong dumaranas ng pag-uusig:

“Minsan hinahayaang tratuhin tayo ng Diyos nang hindi makatarungan. Minsan hinahayaang ang kanilang mga gawa ay seryosong makaapekto sa ating mga karera o sa ating kinabukasan ayon sa pananaw ng tao. Ngunit kailanman ay hindi Niya hinahayaan na ang mga tao ang gumawa ng mga desisyon na sisira sa Kanyang plano para sa atin.”¹

          Ito ang nagtatangi sa Diyos bilang banal. Ang Kanyang mga daan at plano ay higit sa atin. Walang nilalang ang makapag-iisip o makapagpaplano tulad ng Diyos. Tulad ng sinasabi sa Isaias 55:8–9:

Isa 55:8-9: "Sapagkat ang aking mga pag-iisip ay hindi ninyo mga pag-iisip, ni ang inyong mga pamamaraan ay aking mga pamamaraan, sabi ng PANGINOON. Sapagkat kung paanong ang langit ay higit na mataas kaysa lupa, gayon ang aking mga pamamaraan ay higit na mataas kaysa inyong mga pamamaraan, at ang aking mga pag-iisip kaysa inyong mga pag-iisip."

          Idineklara rin ni Ana: “Walang batong gaya ng ating Diyos.” Hindi niya ginamit ang salitang “bato” (stone), kundi “batong-malaking matibay” (rock). Ang bato o rock sa wikang ingles ay mas dakila, mas matibay, at mas tumatagal kaysa sa karaniwang bato. Tulad ng sabi ni Charles Spurgeon: “Ang banal na Batong ito ang nagbibigay ng di-matinag na pundasyon na kabaligtaran ng pabagu-bagong kalagayan ng buhay ng tao, at nagbibigay ng tunay na katiyakan.”²

Hindi naging perpekto ang buhay ni Ana—ito’y puno ng pagsubok at dalamhati. Ngunit mayroon siyang Diyos na hindi matitinag at hindi mababasag ng anumang puwersa sa lupa. Ang banal at ganap na Diyos na ito ang kanyang naging lakas.

 

Konklusyon

Lahat tayo ay humaharap sa iba’t ibang pagsubok—pang-aapi, pag-uusig, pangungutya, at maging mga sugat na matagal nang iniinda. Si Ana ay isa lamang sa maraming halimbawa sa Kasulatan na nakaranas ng ganitong mga bagay. Ngunit higit sa lahat, tumingin tayo kay Jesu-Cristo, na bagama’t kapantay ng Diyos, ay “nagpakababa at nagpakahinahong alipin” (Filipos 2:5–7). Siya ay dumanas ng pinakamalupit na pag-uusig, pangungutya, at sakit, at higit sa lahat siya ay namatay sa krus— ngunit hindi kailanman siya nagkasala (1 Pedro 2:21–23). Ginawa Niya ito upang tuparin ang kalooban ng Diyos at iligtas ang Kanyang bayan. Pagkaraan ng tatlong araw, Siya’y muling binuhay ng Diyos upang bigyan tayo ng pag-asa at ng katiyakang ang lahat ng sumasampalataya sa Kanya ay mabubuhay ding kasama Niya magpakailanman. Mga kapatid kay Cristo, bagama’t tayo’y dumanas ng pagdurusa rito sa lupa, wala itong kapantay sa kaluwalhatiang naghihintay sa atin. Kaya’t magsisi tayo sa ating mga kasalanan at magtiwala lamang kay Jesu-Cristo.

 

 

References:

¹ Trusting God — Jerry Bridges

² The Rock Where We Can Rest (on 1 Samuel 2:2) — Charles Spurgeon

bottom of page