top of page
< Back

Proverbs 1:1-6 - Panimula sa Aklat ng Karunungan

Panimula:


Alam nating lahat na si Haring Solomon ang isa sa kilalang may-akda ng aklat na ito. Siya ay kilala bilang pinakamatalinong hari. Ang tanong dito paano nagsimula ang lahat, paano nagkaroon si Haring Solomon ng ganitong klase ng karunungan? Nagsimula ito nang humiling si Solomon ng karunungan at pang-unawa sa halip na kayamanan at kapangyarihan (1 Hari 3:9). Sa mundo marami din tayong iba't ibang kasabihan. Tingnan natin ang ilan sa mga kasabihan.


Mga halimbawa ng makamundong kasabihan:

  • “Kung ano ang itinanim, siya ring aanihin.” Kapag gumawa ka ng masama, masama rin ang magiging bunga nito. (Sang-ayon tayo rito.)

  • “Sa Diyos ang awa, sa tao ang gawa.” 

Ngayon, ano nga ba ang salawikain (proverb)? Ayon sa Merriam, ito ay “Isang maikling kasabihan na nagpapahayag ng pangkalahatang katotohanan o payo.” Sino ang sumulat ng aklat na ito? Ayon sa history, ito ay iniuugnay kay Haring Solomon, na anak ni David, bagama't hindi siya ang lahat ng sumulat nito, halos karamihan dito ay galing sa kanya. Naglalaman ito ng mga praktikal, moral, at espirituwal na payo para sa lahat. Makikita natin dito ang malinaw na pagkakaiba ng mangmang at ng marunong. Mayroong tatlong bahagi ang ating sulat patungkol sa talata na ating nabasa mula verse one to verse 6. 


Mga Pangkalahatang Pagpapalang Tinatanggap mula sa Aklat ng Proverbs

Mga Natatanging Pagpapala para sa Musmos at Kabataan mula sa Aklat ng Proverbs

Mga Natatanging Pagpapala para sa Mapagpakumbaba at Kabataan mula sa Aklat ng Proverbs


Mga Pangkalahatang Pagpapalang Tinatanggap Natin

Sinasagot nito ang tanong: Ano ang ating tinatanggap?o anu ang maari nating tatanggapin mula sa aklat ng Kawikaan?


Makilala ang karunungan at pagtuturo

Ang aklat na ito ay aklat ng karunungan. Ano nga ba ang karunungan? Sa Hebreo, ito ay ḥokmah; sa Griyego, sophia. Ayon sa Merriam, ang karunungan ay:
“Ang pagiging matuwid o wasto ng isang kilos o pasya batay sa kaalaman at karanasan.”1


Halimbawa:
Kung may mana kang dalawang milyong piso, ano ang gagawin mo rito? Gagastusin mo ba ito agad para bilhin ang lahat ng gusto mo, o ipupuhunan mo ito upang lalo pang lumago?

Isa ito sa mga layunin ng aklat na ito: tulungan tayong makilala ang karunungan at pagtuturo, lalo na 

pagdating sa kalooban at salita ng Diyos.


Maunawaan ang mga salita ng kaunawaan(words of insight)

Ang mga salitang may kaunawaan ay mga payong nagbubukas ng isipan at nagbibigay-linaw o pagkaunawa.


Halimbawa: Mga Kawikaan 3:5–6

“Magtiwala ka sa Panginoon nang buong puso, at huwag kang manalig sa sarili mong kaunawaan. Kilalanin mo Siya sa lahat ng iyong mga lakad, at itutuwid Niya ang iyong mga landas.”

Ito ay tulad ng payo ng mga nakatatanda na nagbibigay ng makahulugang mga salita.
Halimbawa, may mga taong dati ring working student tulad mo at naranasan nila ang matitinding hirap. Ngunit ang mga paghihirap na iyon ay nagbunga dahil sa pagtitiyaga, pagiging tapat, kasipagan, at pananampalataya.


Tatanggap ng katuruan

Ano-ano daw ang tatanggapin nating katuruan?

Matalinong pakikitungo – Kapag humaharap tayo sa anumang uri ng problema, maraming tagubilin ang aklat ng Mga Kawikaan kung paano ito haharapin.

Katuwiran – Marami ring turo ang aklat na ito tungkol sa katuwiran. Ipinapakita nito kung paano mamuhay at lumakad nang matuwid sa paraang nakasentro sa Diyos.

Katarungan – Minsan ang ating paghatol ay nalalabuan at nagiging may kinikilingan dahil sa damdamin. Halimbawa, kapag galit tayo sa isang tao, mas pinipili nating hatulan siya kaysa patawarin. Tinuturuan tayo ng Mga Kawikaan kung paano magkaroon ng tamang paghatol.

Pagiging patas (equity) – Tumutukoy ito sa katarungan o pagiging patas sa pakikitungo sa kapwa. Minsan, nakabatay sa antas ng buhay ang pakikitungo natin sa tao: maganda sa mayaman, masama sa mahirap. Ngunit sa konteksto ng iglesya, pantay-pantay ang lahat anuman ang kalagayan sa buhay.

Halimbawa sa Kasulatan: Lucas 21:1–4
Alin ang handog na tinanggap ng Diyos—ang libong barya ng mayaman o ang sakripisyong dalawang barya ng dukhang balo?
Sa ating paningin, mas mabuti ang malaking halaga, ngunit sa mata ng Diyos, mas mahalaga ang handog ng dukha sapagkat ibinigay niya ang halos lahat ng kanyang ikabubuhay.


Mga Natatanging Pagpapala para sa mga Musmos at Kabataan

Dito sa pangatlong bahagi, May specific na mga grupo ng mga tao na kung saan makakatanggap sila ng pagpapalang karunungan mula sa Aklat na ito. Sinasagot naman nito ang tanong: Ano ang mga tiyak na pagpapalang ibinibigay ng aklat na ito sa mapagpakumbaba at sa kabataan?

Ayon sa pangunahing talata, sinasabi nitong “upang magbigay ng pagkamapaghanda (prudence).”
Ito ay tumutukoy sa karunungan sa paggawa ng maingat na pasya—pag-iisip nang maaga at pag-iwas sa panganib at pagkakamali.

Halimbawa:
May mag-text o mag-email sa iyo na hinihikayat kang mag-invest ng maliit na halaga at nangangakong lalaki ito nang malaki.


Para sa mga simple

Karaniwan, ang salitang simple ay iniisip bilang hindi marangya. Ngunit hindi iyon ang kahulugan dito.
Sa orihinal na wika, ang simple ay mula sa salitang peti, na may kahulugang naive, mangmang, at bukas ang isipan. Sa kabuuan, ang natatanging pagpapalang matatanggap ng simple o musmos at ng kabataan mula sa aklat na ito ay prudence—karunungan sa paggawa ng pasya.
Kailangan ito ng simple sapagkat kulang pa sila sa karanasan. Mabuti na lamang at ang tinutukoy na simple rito ay yaong bukas ang isipan at handang makinig sa karunungan ng Mga Kawikaan.


Para sa kabataan

Isa pang tiyak na grupong tumatanggap ng pagpapala mula sa aklat ng Mga Kawikaan ay ang kabataan.
Ang pagpapalang ito ay kaalaman at pagkilatis (discretion). Makatuwiran ito sapagkat kulang pa sa karanasan ang kabataan. Mabuting balita na napakaraming tagubilin sa Mga Kawikaan para sa kanila.

Halimbawa: Mga Kawikaan 13:20

“Ang lumalakad na kasama ng marurunong ay nagiging marunong, ngunit ang kasama ng mga mangmang ay mapapahamak.”

Karaniwan sa kabataan ang sumabay sa agos at ang hangaring matanggap ng lahat kahit kapalit ang kompromiso. Ngunit mapanganib ito, kaya may malinaw na babala ang Mga Kawikaan para sa atin.


Mas Malalim na Kaunawaan para sa Marunong at May Unawa

Hindi lang mga musmos at kabataan ang makakabenepisyo sa aklat ng Kawikaan. Sabi sa bersikolo lima at anim pati na rin ang mga pantas (wise) at taong may unawa ay makakatanggap din ng pagpapalang lubos galing sa aklat ng Kawikaan.

Ang mga Pantas (Wise)

Kapag ang marunong ay nakikinig sa mga salita ng Mga Kawikaan, sinasabi ng talata 5 na sila ay lalago pa sa kaalaman.
Totoo ito: ang tunay na marunong ay hindi tumitigil sa pagkatuto at pakikinig. Kahit pa iniisip nating marami na tayong naranasan at dinaanan sa buhay, hindi ito dahilan upang tumigil tayong makinig sa Mga Kawikaan. Hangga’t tayo’y nabubuhay, kailangan natin ng karunungan, lalo na tungkol sa Diyos na lumikha sa atin.


Ang taong may unawa

Ang taong may unawa ay magkakamit ng kasanayan upang maunawaan ang salawikain, mga talinghaga, at mga bugtong ng marurunong (Mga Kawikaan 1:6).

Ang kasanayang ito ay hindi biglaang nakukuha. Ito ay bunga ng pagsasanay at paulit-ulit na pag-aaral.
Ang aklat ng Mga Kawikaan ay mainam upang sanayin ang ating isipan, hanapin ang karunungan ng Panginoon, at umasa hindi sa ating sariling kaunawaan kundi sa Kanya (Mga Kawikaan 3:5–6).

Kaya ang aklat na ito ay hindi lamang para sa mangmang, sa simple, o sa kabataan—kundi para sa lahat.


Aplikasyon

  • Maging handang makinig

  • Isapuso ang mga aral

  • Ipakita ito sa pamumuhay

Paanyaya ng Ebanghelyo

Si Cristo ang tunay at sukdulang karunungan ng Diyos. Ang Kanyang buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ay maaaring magmukhang kamangmangan sa mata ng sanlibutan, ngunit ito ang pinakadakilang karunungan para sa anak ng Diyos, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan (Roma 1:16; 1 Corinto 1:18).



References:

1 “Proverb” Merriam dictionary

2 “Wisdom” Hebrew and Greek interlinear, BLB app

3 “Wisdom”, Merriam dictionary

4 “Simple”, Hebrew and Greek interlinear, BLB app

bottom of page