Proverbs 1:7 - Huwag maging mangmang, Matakot sa Diyos
Kawikaan 1:7:
“Ang pagkatakot sa PANGINOON ay siyang pasimula ng kaalaman; ngunit hinahamak ng mga mangmang ang karunungan at turo.”
Panimula:
Lahat ng uri at sangay ng kaalaman gaya ng agham, matematika, at kasaysayan ay walang kabuluhan kung walang pagkatakot sa Diyos. Maaaring sabihin ng iba na ang tinutukoy lamang ng Kasulatan ay mga bagay na espirituwal, ngunit hindi natin maikakaila na ang mga sangay ng agham na ito ay nagmula rin sa Diyos. Siya ang pundasyon ng lahat ng bagay. Sa mga naunang talata, makikita natin ang iba’t ibang pagpapalang natatanggap natin mula sa aklat ng Kawikaan. Sa talata 7, makikita natin ang panimulang hakbang kung paano tayo magkakaroon ng kaalaman. Ipinapakita rin nito ang unang paglalarawan ng isang mangmang. May dalawang punto tayong titingnan sa talatang ito:
I. Ang unang hakbang upang magkaroon ng kaalaman
II. Ang paglalarawan ng isang mangmang
Pangunahing Katawan:
I. Ang unang hakbang upang magkaroon ng kaalaman
A. Kahulugan ng “takot”
Ang salitang Hebreo na Yiraw ay maaaring ipakahulugan bilang paggalang, pagrespeto, at kabanalan. Halimbawa: Sinabihan ka ng iyong ina na huwag lumabas at maglaro sa kalsada baka mabangga ka ng sasakyan. Ang pag-galang sa babala ng iyong ina ay may kalakip na benepisyo, at iyon ay ang kaalaman ng pagiingat. Maraming talata sa Biblia ang may parehong paalala. Mahigit isang daang beses itong binanggit sa Kasulatan. Ipinapakita nito kung gaano kahalaga ang pagkatakot sa Panginoon:
Kawikaan 9:10:
“Ang pagkatakot sa PANGINOON ay pasimula ng karunungan,
at ang pagkakilala sa Banal ay kaunawaan.”
Job 28:28:
“At sinabi niya sa tao,
‘Narito, ang pagkatakot sa Panginoon, iyon ang karunungan;
at ang paglayo sa kasamaan ay pagkaunawa.’”
Awit 111:10:
“Ang pagkatakot sa PANGINOON ay pasimula ng karunungan;
mabuting unawa ang mayroon ang lahat ng nagsasagawa nito.
Ang pagpupuri sa kanya ay nananatili magpakailanman!”
B. Biblikal na kahulugan ng “Pagkatakot sa Panginoon”
Sinasagot nito ang tanong na: Ano ba talaga ang ibig sabihin ng pagkatakot sa Panginoon o sa Diyos?
1. Ang pagkatakot sa Panginoon ay pagkilala sa Kanyang kapangyarihan at awtoridad.
Ito ang sinabi ni Jesus kung bakit dapat nating katakutan ang Panginoon:
Mateo 10:28:
“At huwag ninyong katakutan ang mga pumapatay ng katawan ngunit hindi makapatay ng kaluluwa; kundi ang katakutan ninyo ay yaong may kapangyarihang magtapon ng kaluluwa at katawan sa impiyerno.”
Lucas 12:5:
“Ngunit ituturo ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan: Katakutan ninyo siya na pagkatapos makapatay ay may kapangyarihang magtapon sa impiyerno. Oo, sinasabi ko sa inyo, siya ang inyong katakutan.”
Ang taong may takot sa Panginoon ay nauunawaan na ang Diyos ay may kapangyarihang wasakin ang katawan at kaluluwa ng tao.
2. Ang pagkatakot sa Panginoon ay pag-ibig sa Kanyang mga utos.
Ang mga may takot sa Panginoon ay umiibig sa Kanyang mga utos; hindi ito pabigat kundi kagalakan.
Awit 112:1:
“Purihin ang PANGINOON!
Mapalad ang taong may takot sa PANGINOON,
na lubos na nagagalak sa kanyang mga utos!”
3. Ang pagkatakot sa Panginoon ay pagsunod at pagtupad sa Kanyang mga utos.
Ang may takot sa Panginoon ay hindi lamang umiibig sa Kanyang mga utos kundi sinusunod din ang mga ito.
Mangangaral 12:13:
“Ang wakas ng usapin; narinig na ang lahat. Matakot ka sa Diyos at sundin mo ang kanyang mga utos, sapagkat ito ang buong tungkulin ng tao.”
C. Ang bunga ng pagkakaroon ng takot sa Panginoon
Ang pagkatakot sa Panginoon ay may dakilang gantimpala: ito ang pasimula ng kaalaman.
Halimbawa: Ang iyong mga magulang ay may patakaran sa bahay na magbasa ang kanilang anak ng isang pahina ng science textbook araw-araw. Ano ang mangyayari kung igagalang at susundin ng anak ang utos ng kanyang mga magulang? Magiging kapaki-pakinabang ito sa bata dahil magkakaroon siya ng higit na kaalaman. Ganoon din sa atin. Kung igagalang natin ang Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos, iyon ang magiging pasimula ng ating kaalaman tungkol sa buhay at tungkol sa Diyos. Ang pangunahing utos ng Diyos ay ang sumampalataya kay Cristo. Kung susundin at iingatan mo ito, dadalhin ka nito sa makabuluhang buhay, at mauunawaan mo kung sino ang Diyos. Magsisimula mong ibigin ang Kanyang mga utos at mamuhay nang banal. Ngunit tandaan natin isa sa mga dahilan kung bakit dapat nating igalang o katakutan ang Panginoon ay dahil tayo ay mga lumalabag sa kautusan, at ang hatol Niya sa mga sumusuway ay kamatayan. Dahil sa ating likas na kasalanan, ang ating pag-iisip ay naging madilim at nalalabuan.
Efeso 4:18:
“Pinadilim ang kanilang pag-iisip at nahiwalay sila sa buhay ng Diyos dahil sa kamangmangan na nasa kanila bunga ng katigasan ng kanilang puso.”
1 Corinto 2:14:
“Ngunit ang taong hindi sumasampalataya ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Diyos sapagkat kamangmangan ito sa kanya, at hindi niya ito nauunawaan dahil ito ay inuunawa sa espirituwal na paraan.”
Sa ating likas na kalagayan, hindi natin nauunawaan kung sino ang Diyos, at ang pagkatakot sa Panginoon ang panimulang hakbang upang Siya ay makilala. Ang pagkatakot na iyon ang magbubukas ng ating mga mata at puso sa Tagapagligtas.
II. Ang paglalarawan ng isang mangmang
A. Hinahamak ang karunungan
Ang “hinahamak” ay nangangahulugang itinuturing na walang halaga o walang kwenta. Itinuturing ng mangmang na walang kabuluhan at walang halaga ang karunungan. Ang taong tinatanggihan ang kaalamang ginagamit sa mabuting paraan o kaalamang ginagamit sa paggawa ng tamang desisyon (karunungan) ay tinatawag na mangmang.
Halimbawa: Sabi sa Bibliya sa mga magulang
Prov 13:24: "Ang hindi gumagamit ng pamalo ay napopoot sa anak niya, ngunit ang umiibig sa kanya ay matiyagang dumidisiplina."
Ito ang wisdom ng Bibliya na hindi natin dapat balewalain bilang isang magulang. Simply lang din ang description ng Bibliya sa mga nagsasabing walang kwenta o walang kabuluhan ang aral na ito. Sila ay mga mangmang. Ito ang isang halimbawa ng paghamak sa karunungan:
Kawikaan 18:2:
“Ang mangmang ay walang kasiyahan sa pagkaunawa kundi sa pagpapahayag lamang ng kanyang sariling opinyon.”
Ang ganitong uri ng tao ay gumagawa lamang ng desisyon batay sa kanyang sariling opinyon at sarili lamang ang inuunawa.
B. Hinahamak ang turo
Ang paghamak sa turo ay malinaw na katangian ng isang mangmang.
Halimbawa: Bilang mga drayber, alam natin ang mga alituntunin tungkol sa mga traffic sign. Alam nating lahat na ang pulang ilaw ay nangangahulugang huminto at ang berdeng ilaw ay nangangahulugang umandar. Kahit isang batang nasa kindergarten ay alam iyon. Ngayon, kung may drayber na sadyang dumiretso kahit pula ang ilaw, iyon ay malinaw na halimbawa ng paghamak sa turo. Hindi ako tumutukoy sa pagkakamali, gaya ng hindi niya nakita ang ilaw dahil natatakpan ito ng malaking truck. Ang tinutukoy ko ay ang drayber na sadyang hinahamak ang batas trapiko.
Marami ring halimbawa nito sa aklat ng Kawikaan:
Kawikaan 15:5:
“Hinahamak ng mangmang ang turo ng kanyang ama, ngunit ang tumatanggap ng saway ay marunong.”
Ang batang itinuturing na walang halaga ang payo at turo ng kanyang mga magulang ay tinatawag na mangmang. Kaya't lahat tayo ay guilty at naging mangmang sa paraan na alam natin ang batas ng Diyos bagama't patuloy pa rin natin itong sinasaway. Ang kagandahan nito ay may ibinigay na lunas ang Diyos upang tayo ay iligtas mula sa pagiging mangmang, at iyon ay ang ebanghelyo.
Aplikasyon:
Hanggang ngayon ba ay na nagpapasakop ka pa rin sa awtoridad at kapangyarihan ng Diyos sa iyo? Mayroon ka pa bang pagmamahal na sundin ang kanyang banal na utos? Kung ito ay unti unting nawawala na sa iyo, magsisi, matakot sa Diyos at tumawag ka sa pangalan ni Hesus, at ikaw ay kanyang ibabalik at iyong mga panalangin ay kanyang pakikinggan.
Huwag kang maging mangmang. Malinaw po ang Bibliya na kung sinoman ang humahamak sa kanyang karunungan at utos ay mga mangmang, nawa'y huwag na tayong bumalik sa ganoong pagiisip. Tulungan nawa tayo ng Banal na Espiritu.
Panawagan ng Ebanghelyo:
Matakot sa Panginoon dahil sa Kanyang parusa laban sa mga makasalanan. Alamin mong Siya ay may kapangyarihang itapon ang katawan at kaluluwa sa impiyerno. Ikaw, kaibigan, ay walang kalaban-laban kung mananatili kang tumatanggi sa panawagan ng Ebanghelyo. Malamang ang krus ay foolishness sa iyo, ngunit ang katotohanan ay ang krus ang siyang karunungan ng Panginoon, dahil sa paraang ito, sa paraan ng kanyang kamatayan sa krus at pagkabuhay muli ay magkakaroon ka ng kaligtasan mula sa kasalanan at kapahamakan. (1 Cor 1:18)
Matakot sa Panginoon at sumampalataya sa Ebanghelyo- kay Kristo, at Siya ay makapagliligtas sa iyo at makapagbibigay ng buhay na walang hanggan.