top of page
shutterstock_309076955_resized_edited.jpg

Tugon sa Kabanalan ng Diyos


Ang Diyos ay banal, banal, banal! Sa liwanag ng dakilang katotohanang ito, kailangan nating tanungin ang ating mga sarili: “Paano nga ba tayo dapat mamuhay?” Sa mga sumusunod, tatalakayin natin ang ilan sa pinakamahalagang tugon ng Biblia sa kabanalan ng Diyos. Dapat nating laging isaisip na ang pag-aaral ng mga katangian ng Diyos ay hindi lamang isang intelektuwal na pagsisikap. Sa halip, ito ay nararapat na magkaroon ng napakalalim na epekto sa ating doxology (ibig sabihin, ang ating pagsamba) at sa ating praxis (ibig sabihin, ang ating mga gawa o paraan ng pamumuhay).


Reverence and Godly Fear (Pagpipitagan at Maka-Diyos na Takot)


1. Sa Awit 96:9 ay matatagpuan ang isa sa pinakamagagandang utos sa buong Kasulatan tungkol sa pananagutan ng mananampalataya sa harapan ng Panginoon. Ibuod ang kahulugan nito sa sarili mong mga salita.


PALIWANAG: Ang salitang “karangalan” o “kagandahan” (splendor) ay nagmula sa salitang Hebreo na hadarah, na maaari ring isalin bilang “kagandahan” o “kasuotan.” Ang parehong parirala ay matatagpuan sa Awit 29:2; 96:9; 110:3; I Cronica 16:29; at II Cronica 20:21.

Mayroong magkakaibang pananaw kung ang tinutukoy ng mang-aawit ay ang kabanalan ng Diyos o ang kabanalan ng sumasamba. Kung ang una ang tinutukoy, ito ay panawagan na sambahin ang Diyos dahil sa kagandahan ng Kanyang kabanalan. Kung ang ikalawa naman, ito ay panawagan na lumapit sa Diyos na may malinis na puso at banal na pamumuhay. Ito ang tunay na kagandahan sa paningin ng Diyos.

Ang utos na “manginig” sa harapan ng Diyos ay hindi dahil Siya ay pabagu-bago o hindi mapagkakatiwalaan, kundi dahil sa walang hanggang kadakilaan ng Kanyang kabanalan at kapangyarihan.


2. Sa Isaias 6:2–3, pinagkalooban tayo ng isang sulyap sa mismong silid ng trono ng Diyos. Ano ang matututuhan natin mula sa tagpong ito ng makalangit na pagsamba?


PALIWANAG: Hindi gaanong marami ang inihahayag ng Kasulatan tungkol sa mga anghel na tinatawag na serapin (seraphim). Gayunman, dahil sa kanilang pagiging malapit sa trono ng Diyos, makatuwirang isipin na sila marahil ang pinakadakila sa lahat ng nilalang pagdating sa kabanalan at kapangyarihan. Subalit, sa harapan ng Diyos, ang magagawa lamang nila ay yumukod at sumamba.

Maraming paliwanag ang ibinigay tungkol sa kahulugan ng kanilang mga pakpak. Maaaring tinatakpan nila ang kanilang mga mukha bilang tanda ng malalim na paggalang at pagpipitagan, o dahil ang kaluwalhatian ng Diyos ay napakadakila na maging sila ay hindi ito lubos na matagalan.

Tinatakpan naman nila ang kanilang mga paa bilang tanda ng kababaang-loob, na kinikilalang sila ay mga nilalang lamang at na ang Panginoon lamang ang tunay na Diyos.


3. Sa Isaias 8:13, tatlong tungkulin ang ibinibigay tungkol sa kaugnayan ng mananampalataya sa Panginoon. Basahin ang talata at tukuyin ang mga tungkuling ito sa pamamagitan ng pagsagot sa mga patlang.


a. Dapat nating kilalanin Siya bilang Banal (Holy) ____________________.

PALIWANAG: Ang pariralang “kilalanin bilang banal” (honor as holy) ay mula sa salitang Hebreo na qadash, na ang literal na kahulugan ay “ihiwalay” o “italaga bilang banal.” Dapat nating ihiwalay ang Diyos sa ating mga puso bilang natatangi at walang katulad sa lahat ng iba pang tao at bagay. Siya ang dapat magkaroon ng unang lugar sa ating buhay, na walang ibang hangarin o katapatan na maaaring makipag-agawan sa Kanya.


b. Siya ang dapat nating katakutan (Fear) ____________________.

PALIWANAG: Ang salitang “takot” ay mula sa salitang Hebreo na morah, na maaaring mangahulugang takot, sindak, pagpipitagan, o pagkamangha. Karaniwan, ang takot at sindak ay iniuugnay sa kasamaan o sa masasamang tao. Ang kasamaan at masasamang tao ay nagdudulot ng takot sa atin. Ngunit kapag ang salitang ito ay tumutukoy sa Diyos, ito ay nangangahulugan ng banal na pagkatakot na bunga ng Kanyang walang hanggang kamahalan, kagandahan, kabanalan, katuwiran, at kapangyarihan.


c. Siya ang dapat nating pangilagan (Dread) ____________________.

PALIWANAG: Ang salitang “pangilagan” (dread) ay mula sa salitang Hebreo na arats, na nangangahulugang “magdulot ng sindak, pagkabigla, matinding paggalang, o pagkamangha.” Mula sa konteksto (talata 12), makikita natin na pinaaalalahanan ng Diyos ang Kanyang bayan na huwag matakot sa tao at dahil dito ay isakripisyo ang kanilang pananampalataya. Sa halip, dapat nilang katakutan ang Diyos at sumunod sa Kanya nang buong puso. Sa gayon, ang Diyos ay magiging kanilang santuwaryo at ipagtatanggol sila laban sa kanilang mga kaaway (talata 14).


4. Ang Habakuk 2:20 at Eclesiastes 5:1–2 ay dalawang mahalagang talata na nagtuturo sa atin tungkol sa pagpipitagang nararapat kapag lumalapit tayo sa Diyos upang manalangin o sumamba. Ibuod ang kahulugan ng dalawang talatang ito at ipaliwanag kung paano natin maisasabuhay ang mga katotohanang itinuturo ng mga ito.


PALIWANAG: Ang mga talatang ito ay hindi naglalayong hadlangan ang pananalangin o pagsamba. Hindi rin nais ng Diyos na matakot tayo nang labis na baka may masabi tayong mali, hanggang sa tayo ay mangimi at hindi na makapanalangin o makasamba. Sa halip, itinuturo ng dalawang talatang ito ang pangangailangan ng biblikal na pagpipitagan at banal na pagkatakot kapag lumalapit tayo sa Diyos.

Dapat tayong magkaroon ng lakas ng loob at pagtitiwala sapagkat ang Diyos ay ating Ama. Gayunman, dapat din nating laging alalahanin na ang ating Ama ay ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat. Kaya, sa tuwing tayo ay nananalangin o sumasamba, lumalapit tayo sa harapan ng “Hari ng mga kapanahunan, walang kamatayan, di-nakikita, ang tanging Diyos; sa Kanya ang karangalan at kaluwalhatian magpakailanman. Amen.” (1 Timoteo 1:17).


Personal na tanong

  1.  Alam na natin na ang Diyos ay Banal. Dumating na ba sa punto ng inyong buhay na nagkaroon ka ng takot sa Diyos? Sa anong situwasyon?

bottom of page