top of page

Mateo 5:4 – "Mapapalad ang mga nahahapis, sapagkat sila ay aaliwin."

Panimula 

Lahat tayo ay may kani-kaniyang pinanggagalingang lungkot. Marahil dahil sa pagpanaw ng mahal sa buhay, o sa sakit ng isang bigong relasyon. Normal ang umiyak sa mundong ito. Ngunit, mayroon isang kalungkutan na siyang hindi pangkarinawan dahil hindi ito dulot ng physical o emotional. Ang mga taong nakakaranas na ito sabi ng ating talata ay mapalad.  

Si Hesus ay nagbigay ulit ng isang kakaibang pahayag sa Kanyang Beatitudes (ang mga katangian ng taong pinagpapala ng Diyos): Mapalad ang naghihinagpis. Paano magiging mapalad o "maligaya" ang isang taong umiiyak?  

Dahil ang kalungkutang tinutukoy dito ay hindi lang basta emosyon—ito ay ang pag-iyak ng puso na pinapakilos ng Banal na Espiritu. Ngayong araw, tingnan natin ang dalawang bagay: Sino ang tunay na nahahapis? at Ano ang pangakong naghihintay sa kanila? 

 

I. Sino ang mga "Nahahapis" na Tinutukoy ni Hesus? 

Ang salitang Griyego na ginamit dito ay πενθοῦντες (penthountes), na nangangahulugang "siyang patuloy na naghihinagpis." Hindi ito mababaw na lungkot; ito ay ang pinakamalalim na uri ng pagtangis.

Upang mas maunawaan natin, tingnan muna natin kung ano ang hindi ibig sabihin nito: 

  • Hindi ito lungkot dahil sa panghihinayang sa pansamantalang bagay: Tulad ni Esau (Gen. 27:34-38) na umiyak nang mapait, hindi dahil nagsisisi siya sa kanyang kasalanan, kundi dahil nanghinayang siya sa nawalang karapatan at pagpapala. 

  • Hindi ito lungkot na may kasamang desperasyon ngunit walang pagbabago: Tulad ni Judas (Mat. 27:3-5) na nakaramdam ng matinding ngitngit at guilt dahil ipinagkanulo ang inosenteng dugo, ngunit hindi lumapit sa Diyos para sa kapatawaran. 

  • Hindi ito lungkot dahil sa takot sa opinyon ng tao: Tulad ni Haring Saul na umiyak at natakot dahil baka iwanan siya ng kanyang mga tagasunod, hindi dahil natatakot siyang mawalay sa Diyos. 

Ang Tunay na Kahulugan: Ang pinagpapalang paghahapis ay ang Godly Sorrow (Banal na Kalungkutan). Ito ang pagtangis ng isang taong mulat sa bigat ng kanyang kasalanan laban sa isang Banal na Diyos, at ang kalungkutang ito ang nagtutulak sa kanya upang magbalik-loob. 

A. Ito ay pagtangis na may pag-amin at pagpapakumbaba (Halimbawa: Si David) 

Nang magkasala si David, hindi niya ito idinalandalan; dinala niya ito sa Diyos nang may basag na puso. 

  • Awit 51:4: "Laban sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala, at nakagawa ng masama sa iyong paningin..." 

  • Awit 32:3-5: Ikinumpisal ni David na habang itinatago niya ang kasalanan, nanghihina ang kanyang katawan. Ngunit nang ipahayag niya ito, nakatagpo siya ng kapatawaran at naging dakong kublihan ang Diyos. 

B. Ito ay pagtangis na nagbubunga ng paglapit kay Hesus (Halimbawa: Ang Babaeng Makasalanan)

 

  • Lucas 7:38: Ang babaeng kilalang makasalanan ay tumayo sa likuran ni Hesus, umiiyak, binabasa ng luha ang mga paa ng Panginoon, at pinupunasan ng kanyang buhok bilang tanda ng matinding pagsisisi at paggalang. 

 

II. Ang Dakilang Pangako: "Sila ay Aaliwin" 

Bakit sila tinawag na mapalad? Dahil ang bawat luhang pumapatak dahil sa pagsisisi ay may katapat na banal na kaaliwan mula sa Diyos. Paano tayo aaliwin ng Panginoon? 

A. Pagpapatawad at Kapayapaan sa Kasalukuyan 

Gaya ng babaeng makasalanan sa Lucas 7:49-50, ang kanyang pagtangis ay tinapos ni Hesus sa mga salitang: "Ipinatawad na ang iyong mga kasalanan... Humayo ka ng may kapayapaan." Ang pinakamalaking kaaliwan ay ang malaman na wala nang sumbatan sa pagitan mo at ng Diyos. 

B. Katiyakan ng Kagalakan Pagkatapos ng Pagluha 

Ang paghahapis sa kasalanan ay may hangganan, ngunit ang kagalakang dulot ng biyaya ay walang katapusan. 

  • Awit 126:5-6: "Yaon nawang nagsisipaghasik na luhaan, ay mag-ani na may sigaw ng kagalakan!" Ang mga luhang itinanim sa pagsisisi ay laging inaani sa awit ng tagumpay. 

C. Ganap na Pagpapahid ng Luha sa Hinaharap 

  • Pahayag 21:4: "At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na rin magkakaroon pa ng pagdadalamhati..." Darating ang araw na ang lahat ng sanhi ng lungkot at kasalanan ay permanenteng aalisin ng Diyos. 

 

Application 

Bakit natin nararanasan at natatanggap ang kaaliwang ito? Dahil si Hesus ang umako ng bigat na dapat ay sa atin. Sa Gethsemane (Marcos 14:33-34), sinabi ni Hesus, "Ako'y lubhang nalulungkot, hanggang sa kamatayan." Iniyakan ni Hesus ang bigat ng ating mga kasalanan upang sa ating paglapit sa Kanya, hindi na hatol ang ating makakamit kundi yakap ng kapatawaran at katuwiran. 

  • Pagninilay: Kailan ang huling beses na naiyak ka, hindi dahil sa lugi ka sa buhay o dahil nasaktan ka ng kapwa, kundi dahil narealize mo na sinuway mo ang banal na Diyos sa iyong mga gawa at salita? 

  • Aksyon: Huwag mong itago ang iyong mga kasalanan. Lumapit ka sa paanan ni Hesus ngayon. Hayaang baguhin ng Banal na Espiritu ang iyong lungkot upang maging isang banal na pagtangis, dahil ang Panginoon ay handang aliwin ang iyong banal na pagtangis. 

 

Panawagan: 

Sa mga kaibigan natin na hindi pa nakakaranas ng paghihinagpis dahil sa kasalanan. Nawa'y mapapaalalahanan ka na ang kasalanang gingagawa mo ay siyang nag hiwalay sa iyo sa Diyos. Mahirap po ang mawalay sa Diyos. Kaya't si Hesus ay bumaba mula sa kalangitan, namatay sa krus, dinanas ang lahat ng pasakit mapa-physical, emosyonal, at spiritual, dahil bukod sa sinunod niya ang kagustuhan ng kanyang Ama, ginawa niya ito upang ikaw ay maligtas din mula sa kasalanan at kamatayan kapag ikaw ay magsisi at magtiwala lamang sa kanya. Siya din ay nabuhay muli, at dahil dito, ikaw na nagtitiwala sa kanya ay may katiyakan, kapayapaan, at tunay na kapahingahan.

Referrence:

1 BLB App, πενθοῦντες meaning

bottom of page