top of page

Matt 5:5: ""Mapapalad ang mga mapagpakumbaba, sapagkat mamanahin nila ang lupa." 

Introduction: 

Nais kong simulan ang sulating ito sa pamamagitan ng pagpapakilala ng isang sipi mula kay Martin Lloyd-Jones. Kanyang sinabi: 

“Ang isang tao ay hindi kailanman magiging maamo maliban kung siya ay dukha sa espiritu. Ang isang tao ay hindi kailanman magiging maamo maliban kung nakita niya ang kanyang sarili bilang isang karumal-dumal na makasalanan. Ang mga bagay na ito ay kailangang mauna.”1 

Ang tunay na kaamuan ay hindi kailanman matatamo kung hindi mo naranasan ang pagiging dukha sa espiritu at ang pagdadalamhati dahil sa iyong kasalanan. 

Sa tekstong ito, makikita natin na ang mga tinatawag na pinagpala ay yaong mga maamo. Gayunman, hindi tulad ng unang dalawang talata, maaari nating itanong kung paanong ang pagiging dukha sa espiritu at ang pagdadalamhati ay tinawag na pinagpala—ngunit nasagot na natin ang mga bagay na iyon. 

Dito sa talatang ito, kahit sa sekular na mundo, marami ang sasang-ayon sa Kasulatan na ang mga taong maamo ay pinagpapala. Subalit ang konsepto ng mga pagpapalang pinaniniwalaan ng karamihan ay kadalasang nakatuon sa materyal na bagay at kasaganaan. Sa tiyak na beatitud na ito, matutuklasan natin ang dalawang bagay upang higit nating maunawaan kung sino ang mga maamo na tinutukoy dito at kung anong mga pagpapala ang kanilang tatanggapin. 

Binuod ko ang sulating ito sa dalawang pangunahing punto: una, ang mga maamo; at ikalawa, ang mga pagpapalang tinatanggap nila. 

 

Ang mga Maamo 

Dito ay susubukan nating ipaliwanag kung sinu-sino ang mga taong tinutukoy na maamo sa talatang ito. Upang magawa ito, kinakailangan muna nating bigyang-kahulugan kung ano ang kaamuan. 

 

Ang Kahulugan ng Kaamuan 

Ang salitang maamo ay nagmula sa orihinal na wikang Griyego na πραΰς (praus) na nangangahulugang maamo o banayad. Ang kaamuan sa harap ng Diyos ay yaong disposisyon ng espiritu kung saan tinatanggap natin ang Kanyang pakikitungo sa atin bilang mabuti, at dahil dito ay hindi natin ito pinagtatalunan o nilalabanan. 

Sa Lumang Tipan, ang mga maamo ay yaong mga taong lubos na umaasa sa Diyos sa halip na sa sariling lakas upang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa kawalang-katarungan. Kaya naman, ang kaamuan sa harap ng masasamang tao ay nangangahulugang pagkilala na pinahihintulutan ng Diyos ang mga pinsalang idinudulot nila, ginagamit Niya ang mga ito upang linisin ang Kanyang mga hinirang, at ililigtas Niya ang Kanyang bayan sa Kanyang takdang panahon (Isaias 41:17; Lucas 18:1–8). 

Ang kahinahunan o kaamuan ay kabaligtaran ng pagiging mapagmataas at makasarili. Ito ay nagmumula sa pagtitiwala sa kabutihan ng Diyos at sa Kanyang ganap na pamamahala sa bawat sitwasyon. Ang taong maamo ay hindi kailanman nakasentro sa sarili at hindi sila nag rereklamo sa kahit anu mang unos or persecution na kanilang hinaharap. Lagi natin tandaan na ang kaamuang ay isa sa bunga ng  Banal na Espiritu at hindi ng sariling kalooban ng tao (Galacia 5:23). 

 
 

Mga Halimbawa ng mga Maamo sa Kasulatan 
Si Moses 

Si Moises ay isa sa malinaw na halimbawa ng kaamuan. Ito mismo ang patotoo ng banal na Kasulatan sa Bilang 12:3, noong kinukuwestiyon nina Aaron at Miriam ang awtoridad ni Moises dahil sa kanyang pag-aasawa sa isang babaing Cushita: 

“Ang lalaking si Moises ay napakaamo, higit kaysa lahat ng lalaking nasa ibabaw ng lupa.” (Bilang 12:3) 

Ipinagkatiwala ni Moises sa Diyos ang pag-uusig na kanyang dinanas mula mismo sa kanyang kapatid na lalaki at babae. At tingnan kung ano ang ginawa ng Diyos—Siya mismo ang nagbigay-katarungan kay Moises. Ngunit sa halip na ikatuwa ang sinapit ni Miriam, si Moises ay nanalangin pa para sa kanya. Dahil dito, si Miriam ay ikinulong lamang sa labas ng kampamento sa loob ng pitong araw, sa halip na hatulan ng kamatayan. 

 
 

Si Jesus Christ 

“Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang kopang ito; gayunma’y huwag ang kalooban ko ang mangyari, kundi ang sa iyo.” (Lucas 22:42) 

Walang mas dakilang halimbawa ng kaamuan kundi ang ating Panginoon at Tagapagligtas. May kapangyarihan Siyang patahimikin ang Kanyang mga kaaway sa isang iglap at gawin ang anumang Kanyang naisin, ngunit pinili Niyang bumaba, mag-anyong alipin, at mamatay sa krus (Filipos 2:8–9). 

Lubos Siyang nagpasakop sa kalooban ng Ama—hinamak, niluraan, at dumanas ng pinakamatinding pisikal na pagdurusa. Gayunman, nanatili Siyang walang kasalanan, at walang pandaraya ang nasumpungan sa Kanyang bibig (1 Pedro 2:22). Si Cristo ang sukdulang halimbawa ng tunay na kaamuan. 

 
 

Ang Espirituwal na Diwa ng Kaamuan 

Hindi natin kailanman makakamit ang tunay na kaamuan kung wala ang kapangyarihan ng Espiritu Santo. Lubos akong sumasang-ayon kay Rod Mattoon sa kanyang komentaryo, kung saan kanyang sinabi: 

“The third beatitude is even more difficult than the first two, because it involves the issue of our relationship with others and having self control. Following Christ and His example is not easy, but is possible through the power of the Holy Spirit. Living the Christian life without the Lord in your life is impossible, but we can do all things through Christ. It is the Lord who enables us to be meek and will reward those who are meek with a great inheritance when He returns.”

 

Ang Pangakong Lupa 

 

Ang Pangako ng Diyos 

“Sapagkat mamanahin nila ang lupa.” 

Pansinin ang pariralang ginamit ng Panginoon dito—“mamanahin”. Sa orihinal na wika, ito ay isang pandiwang nasa panahunang hinaharap (future tense). Ibig sabihin, may ipinangako ang Panginoon sa mga taong maamo—isang bagay na tiyak na kanilang tatanggapin sa hinaharap. 

Maging sa mga naunang panahon, pinagtibay na ng mang-aawit ang parehong katotohanang ito na binigkas ni Cristo. Tinukoy niya ang isang lupain na mamanahin ng mga maamo sa hinaharap. Ganito ang kanyang sinabi: 

Psalms 37:11 

“Ngunit ang mga maamo ay magmamana ng lupain, at magagalak sa kasaganaan ng kapayapaan.” 

Ngayon, ano nga ba ang lupang ito o ang daigdig na tinutukoy dito? 

 
 

Ang Pangako ng Walang-Hanggang Lupain 

Sa ika-29 na talata ng kabanata 37, mas malinaw na ipinahayag ng mang-aawit kung anong uri ng lupain ang tinutukoy: 

Psalmo 37:29 

“Ang mga matuwid ay magmamana ng lupain, at tatahan doon magpakailanman.” 

Ang mga matuwid ay maninirahan sa lupang ito magpakailanman. At ang lupang binabanggit dito ay walang iba kundi ang ipinangakong bagong lupa, na binanggit sa iba’t ibang bahagi ng Kasulatan: 

Isaiah 65:17 

“Sapagkat narito, ako’y lumilikha ng mga bagong langit at bagong lupa; at ang mga dating bagay ay hindi na maaalala, ni papasok man sa isipan.” 

Isaias 66:22 

“Sapagkat kung paanong ang mga bagong langit at ang bagong lupa na aking lilikhain ay mananatili sa harapan ko, sabi ng PANGINOON, gayon mananatili ang inyong lahi at ang inyong pangalan.” 

Revelation 21:1 

“At nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa; sapagkat ang unang langit at ang unang lupa ay lumipas na, at ang dagat ay wala na.” 

Totoo na sa kasalukuyan, ang mga maamo ay maaaring magdusa, magutom, at hindi maranasan ang karangyaan at kayamanang material sa buhay. Subalit ang Panginoon ay may pangako—at ang pangakong ito ay higit na dakila kaysa sa mga kayamanang panlupa na masisira lamang ng alikabok at mga insekto (Matthew 6:19). 

Ito ay pangako ng isang bagong lugar, isang bagong langit at isang bagong lupa. Dito mananahan ang mga maamo, at ang paninirahang ito ay magpakailanman. 

 

Aplikasyon 

Maging maamo sa lahat ng panahon: Kilalanin natin na ang Panginoon ang nagkaloob sa atin ng Espiritu ng kaamuan at hindi sa ating mga sarili. Kaya ipakita natin ang kaamuan na galing sa Diyos upang makita din nila ang kaluwalhatian ng Diyos sa iyo. 

Kumapit sa Kanyang pangako: Maaaring maranasan natin ang kahirapan—pisikal man o pinansyal. Ngunit lagi nating alalahanin na ang kaluwalhatiang ating mararanasan ay hindi maihahambing sa mga pagdurusang ito at tunay na karapat-dapat pagtiisan (Romans 8:18). 

Lagi nating ituon ang ating paningin kay Cristo, ang dakilang halimbawa ng kaamuan. 

 
 

Konklusyon / Panawagang Ebanghelikal 

Ayon kay John MacArthur, ang kaamuan ay kabaligtaran ng karahasan at paghihiganti. Hindi mo kailanman tunay na matatamo ang kaamuan kung ikaw ay patuloy na marahas na sumasalungat sa Diyos. At dapat mong malaman ito: hindi mo kailanman matatalo ang Manlilikha ng sansinukob—ang Diyos.

Magsisi ka sa iyong mga kasalanan at magtiwala kay Cristo lamang. Si Jesus Christ ang maamong Pastol na nag-alay ng Kanyang sarili sa krus para sa mga makasalanang tulad mo at tulad ko. Siya’y muling nabuhay at ngayon ay naghahari bilang isang maamo, ngunit makapangyarihang Hari. Magsisi ka sa iyong kasalanan at magtiwala kay Jesu-Cristo lamang. 

 

Reference: 

1Lloyd-Jones, D. M. Studies in the Sermon on the Mount

2Rod Matton Treasures from The Sermon on the Mount, Volume 1,  

3John Mc Arthur commentary 

bottom of page